Sumugod ang ilang militanteng grupo sa harapan ng tanggapan ng Department of Justice (DOJ) kahapon, para ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni Secretary Vitaliano Aguirre the Second.
Idinaan ng mga miyembro ng Anakbayan Partylist at Youth Resist sa pagsusuot ng makukulay na wig na kanilang tinawag na wig protest ang kanilang panawagan.
Ayon sa mga militante, ipinahihiwatig ng wig ang anilang pekeng hustisya kasunod na rin ng naging pasya ng DOJ na ibasura ang kaso ng mga big time drug lord na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.
Gayundin ang pagsasailalim kay Pork Barrel Queen Janet Lim Napoles sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP).
Dagdag ng mga grupo, wala anilang katarungan kay Aguirre dahil habang hinahayaan nitong malakaya ang mga malilinaw na kriminal, ay nagsasampa naman ito ng mga pekeng kaso laban sa mga miyembro ng opisisyon.
Samantala, ipinagkibit balikat lamang ni Aguirre ang mga panawagan ng kanyang pagbibitiw sa pwesto at tinawag pang mga ignorante ang mga ito.
Iginiit ni Aguirre, kahit alam ng kanyang mga kritiko na tama siya ay ginagawa pa rin ng mga ito ang mga nasabing hakbang para pagmukhain siyang masama.