Sumiklab ang labanan sa pagitan ng militar at isang armadong grupo na sumalakay sa isang paaralan sa Barangay Malagasik sa bayan ng Pigcawayan North Cotabato.
Alas-5:45 nang matanggap ng pamunuan ng PNP Pigkawayan ang report na sinalakay ng hinihinalang grupo ng BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang isang paaralan sa Barangay Malagasik.
Ayon kay Chief Inspector Realan Mamon, hepe ng Pigcawayan PNP, agad namang nakaresponde sa lugar ang Charlie Company ng 34th Infantry Batallion ng Philippine Army.
Dito na anya sumiklab ang labanan na naging dahilan upang lumikas ang marami sa mga residente ng barangay.
Sinasabing may mga residente ring nakatira sa paligid ng sinalakay na paaralan ang na-trap sa labanan subalit hindi ito makumpirma ng PNP.
Sinabi ni Mamon na blangko pa sila sa pakay ng BIFF subalit kumilos na rin ang mga opisyal ng katabing barangay ng Malagasik upang protektahan ang kanilang lugar laban sa mga armadong grupo.
Napag-alaman kay Mamon na nadala na nila sa poblacion ng Pigcawayan ang mga evacuees upang mailayo sa labanan.
By Len Aguirre
Isang paaralan sa North Cotabato sinalakay ng mga armado was last modified: June 21st, 2017 by DWIZ 882