Kinumpirma ng militar ang halos isandaang (100) hostages pang hawak ng Maute group sa Marawi City.
Ayon kay Joint Task Force Marawi Spokesman Lt. Col Jo-Ar Herrera, ang bilang ng hostages ay ipinabatid sa kanila ng labing tatlong (13) sibilyan na una nang na-rescue kahapon mula sa kamay ng Maute group.
Sinabi ni Herrera na nakumpirma rin nilang buhay pa si Father Chito Suganob na isa sa hawak na bihag ng teroristang grupo.
Ipinabatid ni Herrera na apat na barangay pa rin ang hawak ng Maute group dahil pahirapan ang clearing operations ng militar sa bawat bahay lalo sa mga itinanim na improvised explosive device o IED.
Tiniyak ni Herrera na tuloy ang operasyon nila kahit pa sa pagtatapos ng Ramadan o Eid l’fitr sa June 26 at wala aniya silang itinakdang deadline para tapusin ang krisis.
By Judith Larino
Militar kinumpirmang nasa 100 hostages pa ang hawak ng Maute was last modified: June 22nd, 2017 by DWIZ 882