Malapit na umanong masukol ng mga tropa ng Pamahalaan ang nag-iisa at pinakamataas na pinuno ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA sa bahagi ng Katimugang Mindanao.
Ito’y ayon kay Armys 1001st Infantry Brigade Commander, B/Gen. Jesus Durante III kasunod ng mga impormasyong kanilang hawak hinggil sa mga aktibidad ni Eric Jun Casilao na kapatid naman ni dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao.
Si Casilao na kilala rin sa mga alyas na Elian at Wally ay tinutugis ng Pamahalaan dahil sa patumpatong na kasong kriminal, kabilang na ang murder, kidnapping at serious illegal detention.
May patong din na halos 5 at kalahating milyong piso sa ulo si Casilao na siyang tagapagmana umano ng napaslang na lider komunistang si Menandro Villanueva.
Dahil kulang 100 araw na lamang bago tuluyang magtapos ang Administrasyong Duterte, sinabi ni Durante na malapit na ring magwakas ng tuluyan ang buong hanay ng Southern Mindanao Regional Committee ng CPP-NPA. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)