Nagpapasalamat sa panalangin at sa mga ipinaparating na tulong para sa ating mga tropa na lumalaban sa Marawi si Army 1st Infantry Division Spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera.
Sinabi ni Herrera na napakahalaga ng panalangin dahil ito ang nagbibigay lakas sa ating mga sundalo na nakikipagbakbakan sa mga terorista.
Kanila aniyang gagawin ang lahat upang mailigtas ang mga sibilyan at tuluyang mapalaya ang Marawi mula sa kamay ng mga terorista.
Sa ngayon aniya ay umaabot na sa isang libo at anim na raang (1,600) sibilyan ang kanilang nailigtas.
“Isalba yung buhay ng mga tao na nandun. Umaabot na po sa 1,600 ang ating naisalba, marami na tayong casualties, marami na tayong sundalo na talagang nagbuwis ng buhay para i-liberate ang Marawi.”
“Nagpapasalamat din po kami sa mga tao, sa ating mga kababayan dahil lubos ho yung suporta nila at dasal, yun po yung nagpapalakas sa amin ngayon na despite na mahirap”, ani Herrera.
Maliban sa pagkakaligtas sa mahigit isang libong (1,000) residente ay napakalaking accomplishment aniya para sa kanila ang pagkaka-aresto sa ina ng magkakapatid na Maute na si Farhana.
“Nakakalungkot kasi taga-Marawi sila, inaccept nila yung bulok na ideology. Karamihan po ay ipinanganak dito, nagtayo sila ng mga negosyo nila dito, andito mga pamilya nila pero hindi nila inisip yun, inisip parin nila yung corrupt ideology.”
“Itong si Farhana, ito’y ginagalang ng terrorist, malakas ang impluwensya nya. Siya pa nagpo-provide ng finance, at mga iba’t ibang koleksyon dahil ang Maranao malaki yung role ng babae”, paliwanag ni Herrera
Morale ng mga sundalo nananatiling mataas sa kabila ng bakbakan sa Marawi
Nananatiling mataas ang morale ng mga sundalo na patuloy na nakikipag bakbakan sa Maute sa Marawi City.
Sinabi ito ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, matapos ang madugong bakbakan kung saan nasawi ang labing tatlong (13) sundalo at nasugatan ng apatnapung (40) iba pa.
Sa ngayon aniya ay tuloy ang kanilang pakikipaglaban upang tuluyan nang mabawi ang nalalabing sampung porsyento (10%) ng marawi na hawak pa rin ng teroristang grupo.
“Nakita na rin yung grand plan na gustong i-cease, gustong sunugin ang buong Marawi City. Mataas parin ang fighting spirit sa ating mandato na i-clear yung Marawi City. Yung nangyari po noong isang araw ito ay isang temporary set-back po ng ating military.”
“Nakakalungkot nga po dahil isang tenyente na siya ring nag lead sap ag-clear ng isang sector kung saan meron tayong narekober na mahigit P70-M na worth, millions of check sa position ng Maute Group. Kabilang sya sa mga namatay”, ani Herrera.
Tiniyak din ni Herrera na nasa Marawi pa si Isnilon Hapilon at kanila pa rin aniyang biniberipika ang ulat na napatay na ang tatlong (3) magkapatid na Maute.
“Meron tayong bini-verify na isang report na patay yung 3 Maute Brothers. 7 po ito na magkakapatid, 2 po yung kinikilalang leader, isa ay isang sub-leader, yung alyas Madie at alyas Omar.”
“Until now kailangan natin ng validation. We want evidence na sila ng apo yung namatay”, paliwanag ni Herrera.
By Katrina Valle