Target ng militar na malinis ang Marawi City bago matapos ang Ramadan.
Ipinabatid ito ni AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brigadier General Restituto Padilla matapos magpulong ang army at police commanders para ire-assess ang strategy at operations laban sa Maute Group.
Nilinaw ni Padilla na hindi nila masabi ang eksaktong petsa kung kailan tuluyang tatapusin ang teroristang grupo dahil door to door ang ginagawa nilang pakikipag laban sa Maute Group na naglagay aniya ng booby traps na mapanganib sa kanilang tropa.
Kasabay nito, sinabi ni Padilla na mahigpit nilang mino-monitor ang iba pang grupo na aniya’y inaasahan nilang hindi na makikihalo pa sa bakbakan sa Marawi City.
“Support Our Troops”
Nakaisip ng bagong paraan ang AFP o Armed Forces of the Philippines para maipakita ng taumbayan ang kanilang suporta sa mga sundalong nakikipagbakbakan laban sa Maute Group sa Marawi City.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga t-shirts na may naka-imprintang mensaheng “Support Our Troops”.
Nagkakahalaga ang nasabing t-shirts ng isang daan at limapung piso (P150.00) at mabibili sa Civil Relations Service at Gate 1 ng Camp Aguinaldo
Una nang nagbukas ng dalawang (2) bank accounts ang AFP para sa mga nais mag-paabot ng tulong sa pamilya ng mga nasawing sundalo at apektadong sibilyan sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Tulong ng DPWH
Nagpaabot na rin ng tulong ang DPWH o Department of Public Works and Highways sa mga evacuees na nagsilikas dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, umabot sa 4.78 million pesos ang kanilang nalikom na pondo mula sa mga donasyon ng mga opisyal at empleyado ng kagawaran.
Aniya, naipamahagi na nila ang unang batch ng relief goods sa mahigit tatlong libo at limang daang (3,500) evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa limang evacuation centers sa Iligan City.
Nakatanggap rin ng relief assistance ang mga sundalo mula sa 103rd Battallion. – With Report from Aya Yupangco
By Judith Estrada – Larino / Krista De Dios