Panahon na umano para matigil na ang militarisasyon sa loob ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office.
Iyan ang reaksyon ni PCSO board member Sandra Cam kasunod ng pagkakasibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang general manager na si Alexander Balutan.
Ayon kay Cam, mula nang umupo aniya si Balutan, lalo lang bumagsak ang kita ng PCSO dahil hindi na nito masingil ang kaniyang mga mistah na binigyan niya ng prangkisa ng STL o Small Town Lottery.
Kaya’t umaasa si Cam na hindi na isang militar o dating opisyal ng militar na tulad ni Balutan ang pumalit dito bilang general manager.
Setyembre ng taong 2016 nang iluklok ni Pangulong Duterte si Balutan bilang general manager ng PCSO na isang dating marine general at miyembro ng PMA o Philippine Military Academy class of 1983.