Itinaas na ng Estados Unidos sa 79 million dollars ang military aid nito sa Pilipinas ngayong taon.
Ito ang inihayag ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Ang military aid anya ay bahagi ng maritime security initiative sa South-East Asia kung saan hindi lamang Pilipinas ang nakatatanggap ng tulong mula sa Amerika.
Idinagdag ni Goldberg na darating sa huling bahagi ng susunod na taon ang ikatlong hamilton-class coast guard cutter na una ng ipinangako ni US President Barack Obama nang bumisita ito sa Pilipinas para sa APEC Summit, noong isang linggo.
Samantala, inihayag ng Department of National Defense na 2 US Marine C-130 transport aircraft at 8 amphibious assault vehicles ang nakatakda ring dumating sa taong 2016.
VFA
Samantala, muling tiniyak sa publiko ni Goldberg ang pagtalima ng Amerika sa Visiting Forces Agreement.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na paglilitis kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, akusado sa pagpatay sa Filipino transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer.
Ayon kay Goldberg, gumagawa na ng paraan ang Estados Unidos at Pilipinas upang mailatag ang mga kondisyon na magiging patas para sa magkabilang panig.
Anuman anya ang kahinatnan ng kaso ay nakatitiyak ang publiko na maglalatag ang dalawang panig ng solusyon.
Inaasahang ilalabas ng Olongapo City Regional Trial Court ang desisyon sa unang linggo ng Disyembre kaugnay sa kaso ni Pemberton.
By Drew Nacino