Nagpakita ng suporta ang apat sa pinakamalaking grupo ng transportasyon sa bansa sa kandidatura ng tambalan ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Isa na rito ang national president ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na si Orlando ‘Ka Lando’ Marquez kung saan personal pa itong pumunta sa BBM Headquartes para pormal na iabot ang kaniyang ‘manifesto of support’.
Ayon kay Marquez, sa lahat ng kandidato, tanging si Marcos lamang ang naglatag ng konkretong programa para sa public land transportation service.
Nilagdaan din ang nasabing manifesto nila National Federation of Transport Cooperative (NFTC) national chairman Armando Delos Reyes, Motorcycle Federation of the Philippines, Inc. national president Atoy Sta. Cruz at Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines Inc. (LTOP-TODA) national president Noel Bitara.
Bilang pagsuporta, inihayag ng nasabing mga grupo na lagi silang makikilahok sa mga campaign sorties at caravan ng UniTeam sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Matatandaang isa sa maigting na tututukan ng BBM-Sara UniTeam ang pagpapalakas sa mass transport system sa bansa maliban sa problema sa trapiko.