Nananawagan si United Nations Secretary General Ban Ki-Moon sa mga bansa, organisasyon, at indibidwal na tugunan ang pagdurusa ng milyun-milyong bata sa buong mundo.
Sa kanyang mensahe kasabay ng Universal Children’s Day ngayong araw, tinukoy ni Ki-Moon ang mga batang biktima ng giyera, terorismo, karahasan at paglabag sa mga karapatang pantao.
Binigyang diin ni Ki-Moon na hindi ganap na nakatatanggap ng kanilang mga karapatan ang maraming paslit sa mundo kumpara sa kanilang mga ka-edad, at napagkakaitan ng masayang buhay at edukasyong lilinang sa kanilang mga kakayahan.
Ang Universal Children’s Day na ginugunita tuwing Nobyembre 20 ay itinatag Ng U.N. noong 1954 upang hikayatin ang bawat isa na itaguyod ang kapakanan ng mga bata sa iba’t ibang panig ng daigdig.
By Jelbert Perdez