Tinatayang papalo sa labing walong (18) milyong deboto ang inaasahang makikilahok sa traslacion o prusisyon ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Basilika ng Nazareno sa Quiapo, saklaw ng nasabing bilang ang mga debotong daragsa sa Quiapo Church mula Disyembre 31 ng nakalipas na taon hanggang sa sumapit ang mismong araw ng traslacion sa Enero 9.
Gagamitin din ng pamunuan ng Quiapo Church ang social media partikular na ang Facebook at live streaming upang maihatid ang mga pinakahuling pangyayari sa naturang pista.
Kasunod nito, idineklara na ng pamahalaang lungsod ng Maynila na isang special non-working holiday ang nabanggit na petsa upang magbigay daan sa nasabing aktibidad.
Security forces
Tinatayang nasa limang libong (5,000) pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office o NCRPO sa taunang traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, Oktubre pa ng nakalipas na taon ikinasa ng NCRPO, Manila Police District, Manila City Government at pamunuan ng simbahan ng Quiapo ang mga paghahanda sa nasabing pista.
Epektibo aniya ang mga inilatag nilang seguridad para sa nasabing pagdiriwang, isang araw bago ang mismong traslacion sa Enero 8 kung saan inaasahang dadalhin sa Quirino grandstand ang imahe ng poon.
Kasunod nito, umapela si Albayalde sa mga deboto na sasaksi sa pagdiriwang na huwag nang magdala ng mamahaling kagamitan o alahas sa nasabing pagdiriwang at pinapayuhang huwag na ring isama ang mga bata upang maka-iwas sa disgrasya.
Reminder
Muling nagpaalala sa mga deboto ang simbahan na hindi na kailangang haplusin ang imahe ng Itim na Nazareno kung totoong naniniwala sila sa Poon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Simbahan ng Quiapo, mahalagang ipaalam ng mga matatandang deboto sa mga batang nagpu-prusisyon na hindi ito isyu ng paghawak sa imahe ng Itim na Nasareno o Andas.
Aniya, maaari naman kasing pumunta ang mga deboto sa Quiapo Church sa linggo kung nais nilang mahawakan ang mga istatwa para makaiwas sa masikip na prusisyon sa Lunes, Enero 9.
Inaasahang aabot mula sa labing lima hanggang labing walong milyon ang mga lalahok sa prusisyon ngayong taon kung saan nagsimula nang pumila nitong linggo ang mga deboto para mabisita ang 400 taong Nazareno.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez