milyun-milyong pilipino ang inaasahang daragsa sa mga sementeryo upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa todos los santos sa November 1 at araw ng mga patay sa November 2 o paggunita sa undas.
Ito ang unang beses sa nakalipas na dalawang taon na gugunitain ng mga pinoy ang tradisyunal na undas makaraang ipagbawal ng gobyerno ang pagbisita sa mga sementeryo noong 2020 at 2021 dahil sa covid-19 pandemic.
Kanya-kanyang preparasyon ang inilatag ng iba’t ibang local government upang matiyak na susunod ang mga tao sa health at safety protocols.
Halimbawa na lamang sa Pampanga, kung saan nagsagawa ng road clearing operations, nagpintura ng mga nitso at puntod at naglinis ng mga public at private cemeteries.
Nakahanda na rin ang Police Regional Office – 3 sa buhos ng mga biyahero at pasahero sa Central Luzon.
Pinaigting naman ng North Luzon Expressway Corporation ang kanilang traffic management operations sa gitna ng inaasahang mabigat na daloy ng trapiko, simula ngayong araw.
Sa Metro Manila, ininspeksyon ng ilang alkalde ang mga libingan gaya ni Mayor Francis Zamora na nagtungo sa San Juan City Public Cemetery habang nakapwesto na rin ang mga pulis sa paligid ng Manila North Cemetery.
Patuloy ang paalala ng National Capital Region Police Office at mga pamunuan ng sementeryo sa publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal gaya ng alak, matatalim na bagay at videoke.