Pinaiimbestigahan ni House dangerous drugs committee chair Robert Ace Barbers sa PDEA at PNP ang milyun milyong pisong halaga ng cocaine na natagpuan sa Dinagat Islands at Siargao.
Sinabi ni Barbers na nakakaalarma na maaaring ginagawang tapunan ng foreign at local drug syndicates ng iligal na droga ang mga nasabing probinsya.
Ikinababahala rin aniya niya na posibleng may kinalaman ito sa narco politics lalot natagpuan ang droga sa gitna ng election period.
Ayon pa kay Barbers, hindi na lingid sa kaalaman na may mga pulitiko mula sa Siargao na sangkot sa operasyon ng iligal na droga at mas pinaiigting pa ang aktibidad para magamit sa eleksyon.
Dahil dito umapela si Barbers kina PNP Chief Oscar Albayalde at PDEA Director General Aaron Aquino na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga nagtapon ng cocaine sa dagat, anong barko at bangka ang ginamit at sino ang recipient ng kargamento.
Magugunitang 77 bloke ng cocaine na nagkakahalaga ng P50 million ang nasabat ng Dinagat Islands at inanod sa dalampasigan ng Siargao Island.