Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang umaabot sa P80-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo at mga pekeng N-95 masks sa isang warehouse sa barangay Sta. Rosa Marilao, Bulacan.
Ayon sa BOC, ikinasa ng ang pagsalakay ng kanilang Enforcement and Security Services Quick Reaction Team at Customs Intelligence and Investigation Service, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Anila, kabilang sa mga narekober ang 1,000 master cases ng mga iligal na sigarilyo kabilang ang isang kilalang brand.
Gayundin ang mahigit 600 kahon ng mga pekeng N95 mask na kinopya lamang ang disenyo at logo ng isang kilalang mamahaling fashion brand.
Agad namang inilipat sa ESS security coral sa Port of Manila ang mga nasabat na kontrabando para sa mas malawak na imbestigasyon at inventory.