Nabunyag na milyun-milyong piso ang tinatanggap na suweldo at allowances ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng Committee on Appropriations ng Kamara hinggil sa panukalang budget ng hudikatura para sa susunod na taon.
Batay sa report ng Commission on Audit o COA noong 2015, nanguna sa listahan si Associate Justice Diosdado Peralta may 7.8 milyong pisong suweldo at allowances.
Tabla naman sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Teresita Leonardo de Castro na may 4.9 na milyong piso.
Isandaang libong piso (P100,000) naman ang lamang nila Carpio at de Castro sa suweldo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na may 4.8 milyong piso.
Habang 4.5 milyong piso naman ang tinatanggap ni Associate Justice Arturo Brion.
Naglalaro naman sa 4.2 hanggang 4.5 million pesos na suweldo at allowances sina Justices Lucas Bersamin, Estela Perlas – Bernabe, Presbitero Velasco, Mariano del Castillo, Jose Perez, Francis Jardeleza, Benjamin Caguioa, Jose Mendoza at Bienvenido Reyes.
Samantala, naitala si Associate Justice Marvic Leonen na may pinakamababang natatanggap na suweldo na nagkakahalaga ng 3.8 milyong piso.
Kinuwestyon naman ng isang mambabatas ang nakalululang halaga ng suweldo at allowances ng mga mahistrado ng Korte Surpema.
Sa isinagawang budget hearing ng House Committee on Appropriations, inurirat ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque kung saan nagmula ang perang pinagsusuweldo sa mga mahistrado.
Umalma rin si Roque dahil sa aniya’y mas malaking suweldo ng mga mahistrado na dapat sana’y kapantay lamang ng mga mambabatas na kapwa nasa salary grade 31.
Depensa naman ni Deputy Court Administrator Raul Villanueva, sumusuweldo aniya ang mga mahistrado sang-ayon sa dapat nilang makuha.
Kasunod nito, binanatan ni Roque ang aniya’y makupad na pag-aksyon ng Korte Suprema sa mga kontrobersyal na kaso.
By Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)