Ibinunyag ng pamahalaan na planong sakupin ng Maute Terrorist Group ang Mindanao sa tulong ng mga dayuhang terorista para itatag ang ISIS province sa Mindanao.
Ayon Solicitor General Jose Calida, ito ang isa sa mabigat na dahilan kaya idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa buong Mindanao at hindi dahil lamang dahil sa kaguluhan sa Marawi City.
Na-monitor aniya ng security at intelligence units ng gobyerno ang plano ng ISIS at Maute para atakehin ang gobyerno at itatag ang “Wilayat” o ISIS Province of Mindanao.
Sinasabing ang planong pag-atake ay hindi lamang nakatutok sa gobyerno kundi maging sa mga taong hindi naniniwala sa relihiyon , maging ang mga ito man ay Muslim o Kristiyano na nasa Marawi, Cagayan de Oro, Davao, Zamboanga, Cebu, Manila at iba pang lungsod sa bansa.
Ang nakababahala, ayon kay Calida ay marami ng mga kabataang Muslim ang nasailalim sa doktrina ng ISIS, patunay dito ang nangyaring Davao City Bombing noong September 2016 kung saan mga kabataan ang sangkot sa pagpapasabog.
Ipinabatid ni Calida si Isnilon Hapilon ang itinalaga ng ISIS bilang Emir o lider nila sa Pilipinas at gawin ang Mindanao bilang Islamic state o “Daulah Islamiya”
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping