Mananatiling makararanas ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dala ng northeasterly surface windflow habang kumikilos pa rin ang isang Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Aurora.
Huling namataan ang LPA sa layong 1,335 kilometro, silangan ng Baler, Aurora.
Makararanas naman ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan ang Batanes at Babuyan Group of Islands dala ng northeasterly surface windflow.
Maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat naman ang mararanasan sa Mindanao at silangang bahagi ng Visayas dulot naman ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Nagbabala naman ang PAGASA sa mga naturang lugar na maging alerto dahil sa posibleng maranasang flash floods at landlslides.
Samantala, makararanas naman ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ng bahagyang maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.