Naka-heightened alert na ang Eastern Mindanao Command matapos ang inilabas na travel advisory ng Estados Unidos at Britanya sa kanilang mga mamamayan na nagbababala sa pagbiyahe sa Palawan dahil sa posibilidad na dukutin ang mga ito ng mga terorista.
Ayon kay AFP-Eastmincom Spokesperson, Maj. Ezra Balagtey, bagaman sa Palawan lamang inilabas ang advisory, itinaas pa rin nila ang kanilang alerto sa Eastern Mindanao dahil hindi nila maisasantabi ang posibilidad na lumipat sa kanilang lugar ang mga terror group.
Tiniyak naman ni Balagtey na patuloy ang security measures ng Eastmincom katuwang ang PNP, local government units at iba pang law enforcement agencies.
Kasabay nito, hinikayat din ng Eastmincom ang publiko na manatiling mapagmatyag, kalmado at ipagbigay alam agad sa mga otoridad ang mga kahina-hinalang indibidwal o mga aktibidad na kanilang mapapansin sa lugar.
By Drew Nacino |With Report from Jonathan Andal