Tiniyak ni Transportation Undersecretary Thomas Orbos na tuloy na tuloy pa rin ang Mindanao Railway Project.
Ito ang nilinaw ng opisyal taliwas sa pahayag ng sinibak na Assistant Secretary ng Department of Transportation o DOTr na si Mark Tolentino na maaantala ang naturang proyekto dahil umano sa kinakailangan pang manghiram ng pondo ng pamahalaan mula sa isang foreign company sa kabila ng P36 billion budget ng naturang proyekto.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Orbos na nakatutok ang kanilang ahensya maging ang Department of Finance para maisakatuparan ang Mindanao Railway Project sa lalong madaling panahon.
Hindi po totoo na hindi matutuloy ang Mindanao Railway, matutuloy po iyan kaya nga ganun na lang ibinigay na atensyon ng ating kalihim. Si mismong secretary ng Department of Finance na ang nagbigay assurance upang mas mapaigting ‘yung relasyon sa pakikipag-ugnayan sa China dahil sila po talaga ang mag-fifinance. Pahayag ni Orbos
Samantala, suportado naman ng DOTr ang desisyon ni Pangulong Duterte na pagbisabak kay Tolentino.
Sinabi ni Orbos na hindi nagustuhan ni Pangulong Duterte ang ginawang pakikipag-usap ni Tolentino sa kapatid ng punong ehekutibo.
Ang sanang nangyari doon kung meron man siyang pag-aalinlangan sa gusto ng departamento, eh sana napag-usapan na lang sa loob ng departamento, hindi dapat sa labas. Syempre kung si Pres. Duterte na ang nagsabi na si Asec. Tolentino na mismo ang nakipag-usap sa kapatid nito, eh mahirapa naman talaga ‘yun. Hindi naman natin kailangan ng padri-padrino. Mismo na ang Pangulo ang nagsabi na hindi puwedeng gamitin ang pangalan niya o kamag-anak niya. Paliwanag ni Orbos