Patay ang isang 29 anyos na minero matapos gumuho ang tunnel sa kinaroroonan nito habang naghuhukay ng ginto sa Governor Generoso, Davao Oriental kahapon.
Kinilala ang biktima na si Romeo Delcampo Jr.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, bigla na lamang gumuho ang tunnel habang naghuhukay ang biktima at hindi rin gumana ang water pump kaya’t nalunod sa ilalim ang biktima.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), alas-dyis na ng umaga nang na-retrieve ang bangkay ni Delcampo mula sa 30 talampakang hukay.
Sinubukan pang dalhin sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente. – sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)