Muling nagpaaalala ang Department Of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng paggunita ng sambayanang Pilipino sa araw ng mga puso o mas kilala sa Valentine’s Day.
Ayon kay DOH Spokesperson at Usec. Ma. Rosario Vergeire, hindi pa rin dapat magpaka-kampante ang mga Pilipino sa kabila ng pangako ng mabilis na pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Giit ng opisyal, kinakailangan pa ring sundin ng mga Pinoy ang minimum health protocols sa nasabing okasyon lalo na ang pagsusuot ng facemask, faceshield at pagpapanatili ng physical distancing sa mga matataong lugar.
Ginawa ni Vergeire, ang pahayag bilang tugon sa pangamba ng ilan hinggil sa posibleng pagdagsa ng maraming tao sa Pebrero 14 sa mga pook pasyalan, hotel, kainan at iba pang pampublikong lugar partikular na ng mga mag-asawa maging ng mga magkasintahan. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)