Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamahalaan na isama sa mga prayoridad ng mabibigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga minimum wage earners at OFW’s.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nagpadala na siya ng liham sa IATF para ikonsidera na mailagay ang nabanggit na sektor sa ika-lima o anim sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan.
Ani Bello, itinuturing na vehicles of economy ang mga OFW’s at minimum wage earners kaya nararapat na isama rin ang mga ito sa mga unang matuturukan ng COVID-19 vaccine.
Sa datos ng DOLE, umaabot sa 20 milyon ang minimum wage earners sa bansa habang nasa 376,000 ang OFW’s na umuwi ng Pilipinas dahil sa pandemiya.
Batay sa listahan ng pamahalaan, kabilang sa mga prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19 ang mga frontline health workers, senior citizens, pinakamahihirap na Filipino at mga uniformed personnel’s tulad ng pulis at sundalo.
Habang nasa ikalabing dalawa naman sa mga prayoridad na maturukan ng bakuna ang OFW’s.