Laya na ang isang mining executive na dinukot ng mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf sa Tawi-Tawi.
Narekober ng mga otoridad sa Sulu ang biktimang si Priscillano Nonong Garcia, Finance Officer ng isang mining company na naka-base sa Tawi-Tawi.
Ayon kay Joint Task Group Sulu Commander Brigadier General Allan Arrojado, na-monitor nila ang presensya ng kidnap victim sa area ng Indanan at umano’y naka-book sa isang passenger vessel patungong Zambonga City.
Dahil dito, sinabi ni Arrojado na kaagad silang nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, Sulu PNP at SAF para matukoy ang kinaroroonan ng bihag.
Mag aalas-8:00 kagabi nang matagpuan si Garcia sa pier ng Jolo at kaagad kinuha ng isang ambulansya at dinala sa trauma hospital para isailalim sa medical check up.
Inihayag ni Arrojado na wala silang idea kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya kay Garcia.
By Judith Larino | Jonathan Andal