Patuloy ang pamamayagpag ng pelikulang Miracle in Cell No. 7 sa takilya, ilang araw bago magtapos ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2019.
Ayon sa showbiz online website na pep.ph, tila nakumpirma ng Facebook post ng tagapagsalita ng MMFF na si Noel Ferrer na naungusan na nga ng naturang pelikula ang entry ng komedyanteng si Vice Ganda na The Mall, The Merrier.
Sa naturang Facebook post, binati ni Ferrer ang aniya’y “miracles” sa pagdami pa ng mga sinehang nagpapalabas nito.
Mayroon namang ilang mga source na itinuturing nang box office king ang bida ng pelikula na si Aga Muhlach.
Samantala, mapapanood ang mga pelikulang kasapi ng MMFF hanggang sa Martes, ika-7 ng Enero.