Inilagay na sa code blue ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Department ang buong lalawigan ng Misamis Oriental ngayong araw.
Ito ay dahil sa inaasahang pag-landfall ng bagyong Vinta mamayang gabi o bukas.
Ayon kay Misamis Oriental PRDRRMD Chief Fernando Dy Jr., naka-alkerto na ang buong lalawigan dahil sa inaasahang pananalasa ng bagyo.
Kasabay nito, inabisuhan na rin ang lahat residente lalo na sa mga lugar na nahaharap sa mga banta ng pagbaha at landslide na maging alerto at maging handa sa mga posibleng epekto ng bagyo.
Davao City
Nakahanda na rin ang pamahalaang lungsod ng Davao sa posibleng epekto ng bagyong Vinta.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko na iwasan muna ang mga outdoor activities simula ngayong araw hanggang weekend dahil sa banta ng bagyo.
Hinihikayat din ng pamahalaang pan-lungsod ng Davao na tumawag sa 911 kung magkakaroon man ng emergency.
Samantala, ipinabatid naman ni Office of Civil Defense Region 11 Spokesperson Franz Irag, nakapagpulong na ang Disaster Risk Reduction and Management Offices sa lalawigan ng Davao Occidental at Compostela Valley para agad na mailikas ang mga maapektuhang residente.
—-