Isinusulong ng 12 senador na imbestigahan ng senado in aid of legislation ang balita na nagagamit ang pondo ng gobyerno sa troll farms na nagpapakalat ng maling impormasyon at pekeng balita sa social media.
Isang senate resolution ukol dito ang isinumite ngayon sa senado kung saan ang may akda ay sina Senate President Tito Sotto, Senator Ralph Recto, Kiko Pangilinan, Franklin Drilon, Nancy Binay, Leila De Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Grace Poe At Joel Villanueva.
Ang hakbang ng senado ay makaraang isiwalat ni Senator Lacson na may isang undersecretary ang nag-oorganisa ng dalawang troll farms sa bawat probinsya.
Sinasabing target ng troll farms ay mga karibal sa pulitika at mga hindi kaalyado ng administrasyon.
Itinanggi ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sakaling totoo man daw na may Undersecretary na nagtatayo ng troll farms ginagawa nya ito sa kanyang personal na kapasidad.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga troll farms , mga misinformation at pekeng balita na pinapakalat ng mga ito ay maaring suportado at pino-pondohan ng gobyerno kaya’t mahalaga na maimbestigahan ito ng kongreso.
Mahalaga daw malaman ng publiko bakit nagagamit ang public funds sa troll farm operators na nagdi-disguise bilang public relations practitioner. —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19)