Dahil sa kritikal na kondisyon ng kanilang anak, nagpasaklolo kay Sen. Richard Gordon at sa Senado si Summer Ong, asawa ng Pharmally Executive na si Linconn Ong na palayain na ang huli bilang humanitarian reason.
Batay sa kanyang liham kay Gordon, humingi ng tulong si Ginang Ong para mapalaya na ang asawa nito, gayundin ang magkapatid na sina Mohit at Twinkle Dargani na una nang ipinakulong ng Senate Blue Ribbon Committe nang i-cite in contempt matapos ang isinagawang imbestigasyon sa kontrobersiyal na Pharmally mess.
Kasalukuyang nakapiit ang tatlo sa Pasay City Jail.
Ayon kay Ginang Ong, ang kanilang 2- taong gulang na anak na lalaki ay kritikal sa ospital dahil sa dengue.
“Senator Gordon I fervently appeal to you to please let my husband go. It is not only I who need him most now, but also our son who is suffering from dengue, who may I just mention is not doing too well and constantly looks for his father,” sa sulat ni Ginang Ong kay Gordon kung saan lubha na aniyang naapektuhan ang pamilya sa mahigit limang buwan nang pagkakakulong ng asawa mula pa noong Setyembre 2021.
Sinabi ng ginang na base sa kanyang mga abogado, nang ipalabas ng Senado ang partial report ng Blue Ribbon Committee sa Pharmally investigation nito noong Pebrero 2, 2022 ay dapat napalaya na rin ang mister subalit hindi ito nangyari.
Binigyang-diin ni Ong na hanggang sa ngayon ay wala pang kasong isinasampa sa kanyang asawa kaya nakapagtatakang nakapiit pa rin ito na malinaw na paglabag sa kanilang civil rights.
Kasabay nito, umapela rin si Ong sa ibang senador partikular kay Senate President Vicente Sotto III na pakinggan ang kanilang daing.
“I seek for your understanding and compassion to please consider setting my husband free. He is a father like yourself. He too is a husband like yourself. What Linc is experiencing now, the anguish of not being there for his family, the difficult situation in a City Jail, which incidentally has no jurisdiction over him, and the constant fear for the future, with no clear indication as to when this will all end, please pardon my words, is torture brought upon him and to his family by you and the Senate,” wika pa sa liham.
Umaasa naman si Ginang Ong na aaksyunan ang kanyang liham at hindi na umano magamit ang usapin ng Pharmally sa eleksyon.
Nabatid na ang kampo ng mga Pharmally execs ay naghain na ng hiwalay na petisyon sa Supreme Court at Court of Appeals kung saan kinukuwestiyon nito ang legalidad ng kautusan ng Senado na ikulong ang mga ito at hanggang ngayon ay wala pang aksiyon ang korte ukol dito.