Hindi lamang basta ibinasura ng Comelec sa pamamagitan ng unanimous vote ang petisyon upang kanselahin ang Certificate of Candidacy ni presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa May 9, 2022 elections.
Iginiit ng Comelec na hindi si Marcos ang gumawa ng misrepresentation bagkus ang mga petitioner matapos talakayin nang maigi ng Second division ang Disqualification Case na anila’y isang pagtatangka na linlangin ang Poll body.
Sa 32 pahinang desisyon na pinonente ni 2nd Division Presiding Commissioner Socorro Inting, ipinunto nito na bagaman ang petisyon para sa cancellation o denial ng COC sa takdang panahon ay humihiling para sa diskwalipikasyon, agaran na dapat itong ibasura.
Isinaad sa ruling ang ilang pagtatangka ng petitioners na linlangin ang Comelec sa kanilang alegasyon at misrepresentations ng facts at maling quotations ng ilang probisyon sa batas.
Partikular na tinukoy sa ruling ang misrepresentation ng petitioners sa Section 254 ng 1977 National Internal Revenue Code na pinalalabas na ang Imprisonment ay Mandatory Punishment sa sinumang mabibigong maghain ng ITR na multang hindi bababa sa P10K.
Gayunman, sa pagsusuri sa isinasaad ng Section 254 ng 1977 NIRC, tinutukoy lamang nito ay rentals at royalties at mineral lands sa ilalim ng lease.
Ang petisyon ay inihain ng grupo ng mga kritiko ni Marcos, na kinatakatawan ni dating Supreme Court Spokesman, Atty. Theodore Te.