Nag-sorry ang founder ng Miss Grand International na si Nawat Itsaragrisil kasunod ng mga natatanggap na kritisismo nito mula sa mga supporter at fans ng pageant.
Maliban dito, humingi rin ito ng pang-unawa sa pageant community at sinabing hindi madaling magkasa ng beauty pageant contest.
Nanawagan din ito sa fans na huwag ikumpara ang Miss Grand International sa Miss Universe at Miss World.
Sinabi pa ni Itsaragrisil na kung may mga nangyari man sa nakaraan ay dapat na itong kalimutan dahil ang mahalaga aniya ang nangyayari ngayon at ang hinaharap.
Matatandaang umani ng iba’t ibang reaksyon ang pag-appoint sa pambato ng Pilipinas na si Roberta Tamondong na unang nagtapos sa top 20 at kalauna’y kinoronohan bilang top 5 ng Miss Grand International 2022 kung saan pinalitan niya si Yuvna Rinishta ng Mauritius.
Mababatid na inanunsyo kamakailan ng Binibining Pilipinas Charities, Inc., ang pag-atras at hindi nito pag-renew ng prangkisa mula sa Miss Grand International.