Nagbigay ng encouraging message si 2018 Miss Universe Catriona Gray sa mga beauty queen na hindi pinalad at mga fans na nadismaya sa naganap na Miss Universe 2022 kahapon.
Ito’y matapos hindi makapasok sa top 16 ang ilang mga bansa na inaasahang makakaabot sa grand finals kabilang na ang Thailand, Indonesia, Mexico at Pilipinas.
Sa naging pahayag ni Cat, naiintindihan niya ang lungkot at pagkadismaya ng mga kandidata lalo na ang mga tagahanga at tagasuporta ng iba’t-ibang mga bansa dahil alam niya kung papaano mabigo sa isang kompetisyon.
Hinikayat ni Cat ang lahat na maging positibo dahil marami pang panahon na maaaring makabawi ang mga natalong kandidata sa susunod pang mga taon.
Matatandaang itinanghal bilang miss universe 2022 ang pambato ng usa na si R’bonney Gabriel, na isang half-pinay, kung saan, naging masaya rin ang kapwa mga pilipino sa nasungkit nitong korona.
Ayon sa mga netizen, hindi man nanalo sa naturang pageant si Miss Universe Philippines Celeste Cortesi, hindi ito gaanong masakit at nakaapekto dahil may dugong pinoy parin ang nakapag-uwi at nakasungkit ng korona na isa paring karangalan para sa Pilipinas.