Todo-higpit ang seguridad na ipinatupad sa Cebu lalo na sa Lapu Lapu City kung saan naroon ang walumpu’t pitong (87) kandidata para sa swimsuit competition ng Miss Universe ngayong araw na ito.
Nagpatupad ng signal jamming ang awtoridad sa malaking lugar ng Lapu Lapu City mula pa kaninang alas-4:00 ng madaling araw hanggang sa matapos ang kompetisyon.
Ipinagbawal rin ang paglipad ng kahit anong uri ng eroplano sa himpapawid ng Lapu Lapu sa mga oras ng pagdating at pag-alis ng mga Miss Universe candidates samantalang off llimits rin ang karagatang malapit sa Jpark Island Resort at Waterpark kung saan ginaganap ang swimsuit competition.
Ang bahagi ng karagatan sa Hilutongan at Mactan Channel ay bantay sarado ng Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard samantalang 2,000 pulis ang naka-deploy sa iba’t ibang lugar mula Mactan Cebu International Airport hanggang sa Jpark Resort sa Lapu Lapu City.
May kanya-kanya ring close in security personnel ang bawat Miss Universe candidates na nagmula sa mga organizers at sa Camp Crame.
Magarbong pagsalubong din ang ginawa ng mga taga-Cebu para sa mga kandidata ng Miss Universe.
Ang welcoming party ay kinabibilangan ng drum and bugle corps na binubuo ng tatlumpung libong (30,000) mga estudyante sa elementarya na nakaantabay na simula pa alas-5:00 ng umaga.
May mga estudyante ring nakatayo sa gilid ng kalsada na dinaanan ng mga kandidata mula Mactan International Airport hanggang Jpark Island Resort at Waterpark ng Lapu Lapu city.
Tampok ang masaganang salo-salo na inihanda ng apat na international chefs sa swimsuit presentation kung saan kabilang sa performers ang Sinulog drivers.
Susundan ito ng evening gala kung saan itatampok ang mga likha ng dalawampung (20) local designers sa pangunguna ni Cary Santiago samantalang isang Havana DJ party ang tatapos ang swimsuit competition.
By Len Aguirre
Photo from: @MissUniverse / Twitter