Sa mga kalalakihan diyan, normal naman na matakot kay misis, pero tama ba na mag-imbento ka ng krimen at magpanggap na biktima para lang pagtakpan ang kasalanan mo? Ganyan ang ginawa ng isang lalaki na ginastos pala sa ibang bagay ang perang bigay ni misis na pambayad ng kuryente.
Kung ano ang kinahinatnan ng lalaki, eto.
Tila isang biktima na nag-report sa Island Garden City of Samal (IGACOS) City Police ang hindi pinangalanang lalaki na na-holdap umano siya sa Brgy. San Agustin, Samal Island.
Nalimas umano ng mga armadong lalaki ang dala-dala niyang sampung libong piso na ibinigay ng kaniyang misis para ipambayad sa kuryente.
Pero nagsimulang magduda ang mga pulis dahil paiba-iba ang naging statements ng lalaki sa mga katanungan nila.
Bagamat sinubukan pang makalusot ng lalaki, sa huli ay umamin din ito na wala talagang naganap na panghoholdap dahil ang totoo, itinaya niya lang sa Small Town Lottery (STL) ang perang pambayad sana ng kuryente.
Nagawa lang umano ng lalaki na magsinungaling dahil sa takot niya sa kaniyang misis.
Samantala, nagbigay ng paalala si IGACOS City Police Chief, Lt. Col. Hamlet Lerios na hindi maloloko ang mga pulis pagdating sa mga kaparehas na insidente dahil sanay ang mga ito sa pagsasagawa ng mga imbesitgasyon.
Dahil sa ginawang pagsisinungaling ng lalaki ay napatawan ito ng kaso sa ilalim ng Presidential Decree 90 o ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Sa mga mister diyan, hanggang saan aabot ang pagdadahilan mo, wag lang mabisto ni misis ang kasalanan mo?