Hindi mapupuksa ng malakihang pagsasagawa ng “misting” pag-i-spray ng alcohol ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi mapapatay ng pagsasagawa ng misting o pag-i-spray ng alcohol sa mga disinfection booths ang mga virus lalo na kung nakapasok na ito sa katawan ng tao.
Posible pa umano itong magdulot ng skin irritation at iba pang problema sa kalusugan, partikular na sa mga taong mayroon nang dinaranas na respiratory diseases.
Dagdag pa ng WHO, ang physical distancing, regular na paghuhugas ng kamay, at pag-iwas na mahawakan ang mata, ilong at bibig, ay mas epektibo pa ring paraan para mabawasan ang tiyansang mahawahan o ma-contract ang COVID-19.
Kasunod nito ay kaagad nang inalis ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang lahat ng kanilang disinfectant tents sa kanilang kampo.
Samantala, pinayuhan naman ng Department of Health (DOH) ang publiko na mas makabubuting punasan ng basahang ibinabad sa disinfectant, kaysa isprayan, ang mga lugar o bagay na nais linisin.
Maaari din, ayon sa ahensya, na gumamit ng disinfectant solution na may taglay na 0.5% sodium hypochlorite o di kaya naman ay bleach disinfectant solution.
Paalala pa ng DOH, maglagay ng mga label sa mga bote ng disinfectants at ilayo ito sa lugar na maaabot ng mga bata.