Nakabalik na sa Sangley Point sa Cavite City ang BRP Bacolod City matapos ang matagumpay nitong misyon sa ibang bansa bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Philippine Fleet public affairs office chief, Lt. Vanessa Layco, kumuha ito ng personal protective equipment (PPE) sets sa China bago inihatid sa Davao City.
Sa isang simpleng seremonya, masayang sinalubong at binati ni Philippine Fleet commander, Rear Admiral Loumer P. Bernabe, ang mga opisyal at enlisted personnel naman ng barko.
Matatandaang kinuha ng gobyerno ang serbisyo ng BRP Bacolod City para kumuha ng medical equipment sa China bilang bahagi ng mga hakbang ng gobyerno upang ma-contain ang virus.
Kabilang sa mga kinuhang shipment ay ang 700,000 KN95 face masks at 200,000 sets ng PPE, tulad ng goggles, coverall suits, head cover, gloves, shoe covers, surgical masks, at surgical gowns.