Lumutang sa Senado ang isang miyembro ng Davao Death Squad.
Ito ay para patunayan at patotohanan sa imbestigasyon ng Senado ang maraming insidente ng extrajudicial killings sa panahong alkalde pa lamang ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte.
Positibong tinukoy ng Davao Death Squad member na si Edgar Matubato si Pangulong Duterte na siyang nag-uutos sa pagpatay sa mga kriminal at mga kaaway nito sa lungsod ng Davao.
Batay sa salaysay ni Matubato, mula 1988 hanggang 2013, libu-libo na ang napatay sa Davao City sa basbas ni Pangulong Duterte.
Inihalimbawa nito ang tatlong babae na hinihinala lamang na tulak ng droga sa lungsod ng Davao ang pinapatay umano ni Duterte.
Sa hindi naman malamang dahilan, isang LTO fixer ang ipinatumba ng Pangulong Duterte at pinalabas lamang na holdaper.
Paglalahad ni Matubato, ang kanilang mga napapatay ay tinataniman ng baril upang pagmukhaing nanlaban ang mga ito.
Taong 1993 naman nang ipag-utos umano ng noo’y alkaldeng si Pangulong Duterte ang pagpapasabog sa mosque o masjid sa Davao City.
Sinabi ni Matubato na itoy ang bilang ganti umano ng alkalde sa nangyaring pambobomba sa Cathedral sa lungsod.
Maliban dito, pinadukot at pinapatay din umano ng Pangulong Duterte ang mga Muslim na hinihinalang nasa likod ng Cathedral bombing noong 1993.
Taong 2002 naman nang atasan sila ng Pangulong Duterte na dukutin ang isang Sali Makdum na pinaghihinalaang terorista.
Batay sa kwento ni Matubato, kanilang tsinap-chop ang katawan ni Makdum bago tuluyan itong ilibing.
Kwento pa ng Davao Death Squad member na si Edgar Matubato, taong 2010 nang ipadukot at ipaligpit umano ng noo’y alkaldeng si Pangulong Duterte ang apat na tagasuporta ng kanyang kalaban sa politika na si dating Congressman Prospero Nograles.
Paolo Duterte
Lumabas din sa pagdinig ng Senado na ginagamit ng anak ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ang Davao Death Squad.
Batay sa salaysay ng dating Davao Death Squad member na si edgard matubato, mismong ang nakababatang Duterte ang nag-utos na patayin ang bilyonaryong negosyante na si Richard King.
Sinasabing karibal sa babae ng bise alkalde si King kayat ipinapatay ang negosyante sa halagang P500,000.
Maliban dito, inilahad ni Matubato na dalawa pa ang pinapatay ni Vice Mayor Paolo Duterte dahil lamang sa kagalit niya ito.
Gierran and Bato
Samantala, maliban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, dalawang mataas na opisyal ng law enforcement agencies ang ikinaladkad sa operasyon ng Davao Death Squad.
Batay sa salaysay ng testigo at dating miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matubato, batid nila PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at NBI Director Dante Gierran ang mga nangyayaring extra judicial killings sa Davao City bilang mga tauhan sa lungsod ng noo’y alkalde na si Pangulong Duterte.
Ayon kay Matubato, kasabwat si Dela Rosa na noo’y pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force sa pagpatay sa hinihinalang terorista na si Sali Makdum kung saan ay iniligpit ito sa pamamagitan ng pagbigti at pag-chop chop sa katawan nito.
Samantala, 2007 naman nang makasama ni Matubato ang noo’y NBI agent at kasalukuyang NBI Director Dante Gierran sa isang operasyon kung saan kanilang target ay ipinakain sa buwaya.
By Ralph Obina | Cely Bueno (Patrol 19)