Arestado ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isang miyembro ng grupong Maute sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District o QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang suspek na si Rasdy Malawani, 42 taong gulang at namamahala umano sa negosyo ng Maute group sa Metro Manila na pinagkukunan ng mga ito ng pondo.
Sinabi ni Eleazar na si Malawni ang humahawak ng Salaam Bazar sa Novaliches Plaza Mall, na siyang negosyo ng nanay ng Maute brothers at financier ng grupo na si Farhana Maute.
Ibinibigay aniya ni Malawani ang mga kita ng bazar kay Azesha Macabangkit – Maute na nasa Marawi at asawa ni Madie Maute na isa sa mga lider ng grupo.
Si Malawani ay naaresto sa kanyang bahay sa Greenfields 1 Barangay Kaligayan, Novaliches at nakumpiskahan ng kalibre 45 baril, rocket propelled grenade at mga resibo ng mga transaksyon sa bangko.