Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan nila at ng mga tropa ng Militar sa Marihatag, Surigao del Sur.
Ayon kay Capt. Linley Marl Dajao, Public Affairs Office Chief ng Army’s 401st Infantry Brigade, nangyari ang bakbakan sa bahagi ng Sitio Montenegren sa Brgy. San Isidro na tumagal ng 10 minuto.
Hindi aniya bababa sa 20 rebelde ang nakasagupa ng mga Sundalo kung saan, nakuha ang labi ng rebeldeng hindi pa napangalanan matapos ang bakbakan.
Nakubkob din ng tropa ng mga Sundalo ang kuta ng mga rebelde batay na rin sa sumbong ng mga residente kung saan naman nasamsam ang samu’t saring matataas na kalibre ng armas.
Ayon naman kay Army’s 401st Infantry Brigade Commander, Cl. Rommel Almaria, ang nakasagupa nilang grupo ng NPA ay kilalang nasa likod ng talamak na pangingikil sa naturang lugar.
-ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)