Pinasuspinde na ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga miyembro ng Parañaque Task Force na nakuhanan ng video na marahas na nagpaalis sa mga street vendor sa lungsod.
Ayon kay Olivarez, pinatawan na ng preventive suspension ang mga sangkot na miyembro ng Parañaque Task Force habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
Aniya, maaaring maalis sa serbisyo ang mga nabanggit na tauhan ng task force kapag napatunayang nagkaroon ng harassment at pagmamalabis sa kanilang ikinasang operasyon.
Binigyang diin ni Olivarez na paulit-ulit niyang pinaaalalahanan ang mga personnel ng lungsod na sumunod sa umiiral na protocol at magpatupad ng maximum tolerance sa mga clearing operations.