Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Makati Medical Center (MMC) ang umano’y alegasyong isa ang kanilang ospital sa mga naniningil sa mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient ng ginamit ng mga doktor at nurse na donasyong personal protective equipment (PPE).
Ito’y matapos batikusin ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang mga ospital na umano’y sinisingil sa kanilang mga pasyente ang ginamit na PPE ng kanilang mga health worker.
Ayon sa inilabas na pahayag ni Dr. Saturnino Javier, MMC Medical Director and Interim CEO, wala silang anumang sinisingil na extra charge sa mga pasyente para sa mga nagamit na donasyon na PPE.
Hindi umano makatarungan na gawin ito sa mga pasyente lalo na sa gitna ng health emergency sa bansa dahil sa pagkalat ng COVID-19.
Ani Javier, hindi niya kailanman pahihintulutan ang mga ganitong klaseng gawain sa ilalim ng kaniyang pamumuno.