Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na hindi pa sila handang tumulong sa mga mananakay ng Metro Rail Transit o MRT Line 3 sakaling pansamantalang i–shutdown ang operasyon ang nasabing railway system.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager for Planning Jojo Garcia, hindi sapat ang kanilang kakayahan lalo’t nasa kalahating milyon ang mga commuter ng MRT – 3 kada araw.
Kailangan aniya ng karagdagang bus upang maisakay ang mga MRT rider ngunit tiyak na lalong sisikip ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Dagdag pa ni Garcia, ang Department of Transportation o DOTr ang dapat maglatag ng solusyon dahil ito ang mas nakaiintindi sa sitwasyon ng MRT – 3.
Magugunitang inamin ni Transportation Undersecretary Cesar Chavez na seryoso nilang ikinukunsidera ang temporary shutdown sa operasyon ng naturang railway system.