Masusing pag-aaral ang isinasagawa ngayon ng Metro Manila Council kaugnay sa panukalang magpatupad ng bagong number coding scheme.
Ayon kay MMDA chairman Romando Artes Jr., bago pa ang halalan, nagkaroon na sila ng pakikipagpulong sa mga alkalde sa NCR, at may ilang datus aniya na hinihingi ang mga ito upang kanilang mapag-aralan.
Tulad ani Artes ng konseho, nagsasagawa rin sila ng sariling pag-aanalisa sa mga nakukuhang ulat bago muling makipagpulong sa Metro Mayors para desisyunan ang bagay na ito.
Pero may ilan din aniya na nagbigay ng mungkahi na hintayin na lamang muna ang pagpasok ng incoming administration bago pagpasyahan ang mungkahing magkaroon ng bagong number coding scheme.
Samantala, iminungkahi naman ni Artes na sakaling maipatupad na ang panukalang ito bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte, dapat na muli itong maisailalim sa pag aaral kada-ikatlong buwan ng pagpapatupad nito.
Nakasaad sa panukalang new color coding system na mahigpit nang ipagbabawal sa kalsada ang mga pribadong sasakyan mula ala-5 ng hapon hanggang ala-7 ng gabi sa loob ng dalawang araw base sa huling numero ng plaka ng kanilang kotse o sasakyan.
Hindi naman kabilang dito ang mga Public Utility Vehicles o PUVs gaya ng TNVs, jeep, bus at taxi.