Papatawan ng parusa o posibleng tuluyang mapatalsik sa Liberal Party (LP).
Ito ayon kay LP President at Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya ang kakaharapin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino kapag napatunayang ito nga ang nagdala ng sexy dancers sa isang event sa Laguna.
Ipinabatid ni Abaya na patuloy ang imbestigasyon sa naturang usapin.
Magugunitang itinanggi ni Tolentino na siya ang nagdala ng grupong Playgirls bagamat siya ang itinuturo ng mga dumalo sa naturang okasyon.
***
Walang maganda sa kahit anong anggulo sa pagdadala ng sexy dancers sa isang event ng Liberal Party sa Laguna.
Binigyang diin ito ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr., isa sa mga opisyal ng ruling party.
Dinagsa ng mga negatibong komento ang nasabing performance ng grupong Playgirls na umano’y regalo ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa kaarawan ni Laguna 4th District Congressman Ben Agarao.
By Judith Larino