Muling tiniyak ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Thomas Orbos ang kahandaan ng ahensiya sa maaaring pagtama ng isang malakas na lindol sa Metro Manila o ang tinaguriang ‘The Big One’.
Ito ay matapos ang yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Surigao del Norte na kumitil sa buhay ng walong katao at nagudyok sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na muling paalalahanan ang publiko at ang mga ahensiya ng gobyerno na may responsibilidad dito.
Sa panayam ng programang ‘Karambola’ sa DWIZ, sinabi ni Orbos na ikinakasa na nila ang ikatlong MMDA shake drill kung saan ay pinaplano na ang ilang mga karagdagang programa upang mas mapag-ibayo pa ang paghahanda sa ‘The Big One’.
“We are preparing for the shake drill, ang sabi ko, this year we must come out with a computer simulation on what will really happen kapag tumama na ang the ‘Big One’ para ma-visualize na rin ng publiko kung ano dapat asahan at ano ang dapat gawin. We are also planning to come up with a partnership with the media.”
Dagdag pa ni Orbos, maaaring gamitin ang Ilog Pasig bilang daanan papalayo sa lugar sakaling dumating man ang worst case scenario kung saan bagsak na ang linya ng mga kuryente at wala na ring madaanang kalye.
“Worst case scenario, down ang tubig, kuryente, sira ang mga kalye. Pwede nating gamitin ang Ilog Pasig bilang daanan so kailangan din nating magprocure pa ng mga karagdagang gamit tulad ng bangka, rescue boats.”
Samantala, inamin naman din ni Orbos na kulang ang ahensiya sa mga structural engineers na titingin at magsisiguro ng structural integrity ng mga gusali sa Metro Manila taun-taon.
“As much as I want to, kahit gusto man naming magkaroon ng yearly checking sa structural integrity ng mga gusali, hindi namin magawa dahil kulang tayo sa mga structural engineers to do this. So ayan ang tinutulak talaga namin, maghanap ng mga karagdagang engineer na may specialization dito.”
Sa huli, nagpaalala si Orbos sa publiko na dapat seryosohin at huwag ipagwalang bahala ang mga muling babala hinggil sa pagtama ng lindol sa bansa kahit pa naging matagumpay ang mga nagdaang nationwide shake drill.
“Despite the many years na naging matagumpay ang shake drill noon, we still shouldn’t take for granted ‘yung mga babala ng PHIVOLCS at MMDA ngayon. We are really not sure what will happen. Ang kailangan lang nating tandaan ay nakahanda naman ang ating gobyerno. ‘Yung panic at looting, ito ang mga iniiwasan natin.”
By Ira Y. Cruz | Credit to Karambola interview
*Pakinggan ang programang Karambola sa DWIZ kasama sina Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan Dela Cruz at Prof. Tonton Contreras, Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8:00 hanggang alas-9:30 ng umaga*