Kinasuhan sa Office of the Ombudsman si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
Paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards ang inihain ng 11 labor groups, isang youth group at indibiduwal laban kay Tolentino.
May kaugnayan ito sa di umano’y malaswang palabas ng grupong playgirl sa isang event ng Liberal Party na kasabay ng birthday party ni Congressman Benjie Agarao ng Laguna.
Bagamat itinanggi ni Tolentino na siya ang nagregalo ng playgirls para sa birthday party ni Agarao, naglabasan naman ang mga lumang larawan ng playgirls kung saan nakasuot sila ng campaign t-shirts para kay Tolentino at sa kapatid nito sa Tagaytay.
Not running?
Samantala, hiniling ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa pamunuan ng Liberal Party (LP) na tanggalin na ang kanyang pangalan sa mga ikukunsiderang kandidato ng partido para sa pagka-sendor sa 2016 elections.
Ito ay matapos makaladkad ang pangalan ni Tolentino at maging ang partido sa kontrobersiyang may kinalaman sa malaswang pagsasayaw ng Playgirls sa okasyon kung saan nanumpa ang mga bagong miyembro ng LP sa Laguna.
Bagamat hindi sinabi ni Tolentino kung sa kanya nga galing ang naturang mga mananayaw, sinabi nitong responsible siya sa naturang okasyon na hindi mapigilan ang naturang kalaswaan.
Matatandaang isa si Tolentino sa mga matunog na senatoriable ng Liberal Party na inaakusahang nagregalo kay Laguna Representative Benjie Agarao ng Playgirls.
By Len Aguirre | Jopel Pelenio (Patrol 17) | Ralph Obina