Asahan na ang pagbibigat ng daloy ng trapiko, bukas, mula 6:00 hanggang 10:00 ng umaga.
Ito ang abiso sa mga motorista ng MMDA o Metro Manila Development Authority bunsod ng dry-run para sa preparasyon sa convoy at seguridad sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na buwan.
Ayon kay MMDA Special Operations Officer at Technical Working Group on Traffic Management Emmanuel Miro, ilan sa mga daraanan ng convoy dry-run ay ang southbound lane ng Subic – Tarlac o SCTEX, North Luzon Expressway o NLEX at EDSA.
Maliban dito, sinasabing magpapatupad din ng full stop sa lugar na daraanan ng convoy.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Miro na magkakaroon din “stop and go scheme” sa mga intersection upang masigurong hindi maiipon ang mga maaapektuhang motorista sa nabanggit na dry-run.
Pinayuhan din ng MMDA ang mga motorista na dumaan na lang muna sa mga alternatibong ruta upang makaiwas sa mga daraanan ng mga convoy at hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko.