Kalaboso ang isang traffic enforcer ng MMDA makaraang mangotong umano ng truck driver sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Raul Lapore, na naaktuhan ng Quezon City Police District na nakikipag-transaksyon sa Commonwealth Avenue, pasado alas-3 ng madaling araw kahapon.
Ayon kay QCPD-Criminal Investigation Section Chief Lt. Anthony Dacquel, sinita ni Lapore ang driver na si Crislie Rife at para hindi umano matiketan ay nakiusap ang tsuper na magbigay na lang ng P300 na tinanggap naman ng suspek.
Napag-alamang hindi pa naka-duty si Lapore nang maganap ang umano’y pangongotong, walang mission order sa Commonwealth at dati nang inireklamo dahil din sa pangongotong kaya inilipat sa special operations and anti-colorum unit.
Pero bago pa ang insidente ay nakatanggap na ang QCPD ng reklamo mula sa isang truck driver na nakotongan din umano ng suspek kaya’t inikutan ng mga pulis ang nasabing lugar.
Tinatapalan din umano ng suspek ng chewing gum ang magkabilang body number ng kaniyang motorsiklo upang hindi makuha ang kaniyang pagkakakilanlan.
Mahaharap naman si Lapore sa reklamong robbery extortion at posibleng masuspinde kung mapapatunayan ang reklamo.
Samantala, galit namang hinarap ni MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija si Lapore habang tiniyak ni MMDA Acting Chairman Romando Artes na hindi nila ito kinukunsinti.