Hinimok ngayon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Thomas Orbos ang publiko na gamitin ang mga footbridge sa halip na ilagay sa alanganin ang kanilang buhay sa pagtawid sa mga hindi tamang tawiran.
Ginawa ni Orbos ang apela kasabay ng nagpapatuloy na anti-jaywalking operations sa National Capital Region (NCR).
Sa magkakahiwalay na operasyon inilunsad ng MMDA sa mga lungsod ng Pasay, Mandaluyong at Makati, aabot sa 210 ang nahuling pedestrian dahil sa jaywalking.
Ang mga ito ay nahuling tumatawid sa EDSA at sa intersection ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong, Guadalupe at Taft-Rotonda Pasay sa kabila ng pagkakaroon ng footbridges sa naturang mga lugar.
Kasabay nito, binalaan din ni Orbos ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan na magbaba at magsakay lamang sa tamang lugar dahil kung hindi ay papatawan din ito ng anti-jaywalking violation.
By Ralph Obina