Humingi ng paumanhin ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa matinding trapiko na naranasan nitong nakalipas na araw ng Sabado.
Magugunitang isinara ng MMDA ang ilang bahagi ng EDSA at iba pang malalaking kalsada para sa ASEAN Summit.
Sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago na nagdagdag din ng matinding trapiko ang 25 aksidente sa service lanes ng EDSA gayundin ang napakarami o bulto ng mga sasakyang lumalabas ng Metro Manila para sa tatlong araw na ASEAN holiday.
Wala rin aniyang number coding noong Sabado kung kailan may pasok din sa mga tanggapan at maging sa mga paaralan kayat nagkasabay-sabay at nag-resulta ito ng matinding trapiko partikular palabas ng Metro Manila.
Gayunman, naniniwala si Pialago na sapat na ang naibigay nilang advisory kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno hinggil sa posibleng matinding trapiko nitong nakalipas na weekend.
—-