Magbibigay ng libreng sakay ang Metro Manila Development Authority o MMDA para sa mga pasaherong mai-stranded sa ikinasang tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON sa December 4 at 5.
Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, nakatakda nilang i-deploy ang apat na nilang mga bus para magbigay ng mga libreng sakay.
Dagdag ni Garcia, magpapakalat din sila ng mga P2P buses para makabawas din sa posibleng epekto ng tigil pasada.
Sinabi naman ni Garcia na nakadepende na sa Malakanyang kung mag-aanunsyo ito ng kanselasyon ng klase sa mga nabanggit na araw.
Matatandaang inihayag ng PISTON ang pagsasagawa nila ng malawakang tigil pasada sa Lunes at Martes ng susunod na linggo bilang pagtutol sa jeepney phase out at modernization program ng pamahalaan.
—-