Magpapatupad ng rerouting ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority para sa mga truck na dumadaan sa Roxas Boulevard.
Ayon sa abiso ng MMDA, lahat ng truck na may bigat na 4, 500 kilograms pataas, naka rehistro man o hindi sa terminal appointment booking system o tabs ay pagbabawalang dumaan sa Roxas Boulevard.
Sinabi ng MMDA na epektibo ang pagbabawal sa April 27 araw ng Huwebes at Biyernes, April 28 dahil sa pagdaraos ng ASEAN Summit sa PICC sa Pasay City.
Pinayuhan naman ng MMDA ang mga apektado na manggagaling sa port area patungong South Super Highway na dumaan sa Bonifacio Drive kaliwa sa P. Burgos, Finance Road, Ayala Blvd., kanan sa San Marcelino, kaliwa sa President Quirino Avenue at kumanan patungong South Super Highway.
Ang mga manggagaling naman sa South Super Highway patungong Port Area ay pinapayuhang dumaan sa South Super Highway, kanan sa President Quirino Avenue, kaliwa sa Plaza Dilao, kanan sa President Quirino Avenue Extension, kaliwa sa United Nations Avenue, kanan sa Romualdez St., kaliwa sa Ayala, Finance Road, P. Burgos at kumanan sa Bonifacio Drive patungong Port Area.
Number coding suspendido sa Abril 28
Suspendido ang number coding sa Biyernes, April 28 na idineklarang special non-working holiday dahil sa pagdaraos ng ASEAN Summit.
Ayon sa MMDA, suspendido rin ang number coding sa Makati City maging April 27, Huwebes.
Exempted naman sa number coding suspension ang Las Piñas City.
By Judith Larino